ANG MAHAL NA ARAW


(Ikalawang aklat p.52)

‘’Ang Mahal na Araw ay ating igalang.’’ 

‘’O, siya, aalis na kami. Magpakabait kayo, mga bata,’’ ang bilin ng lolo. 

‘’Inay, Itay, dito na sana kayo sa amin hanggang sa Mahal na Araw,’’ ang sabi ni Nanay. 

‘’Masaya nga sana kung sama-sama tayo. Pero panata na ng iyong ama ang magpakain ng mga nagpepenitensiya kung Semana Santa. Hihintayin namin kayo sa Linngo ng Pagkabuhay. Ipaghahanda ko ng masarap na tinolang manok ireng mga apo ko,’’ ang sagot naman ng lola. 

‘’Yipee! Pupunta uli tayo sa Batangas. Ang sarap,’’ sabi ni Bebot. ‘’Parang gusto ko ng sumama kina Lolo at Lola ngayon. Simula kasi sa Lunes ay may pabasa na sila. Maraming handa si Lola.’’ ang tila malungkot na sabi ni Totoy. 

‘’Gusto ko ring makita ang mga taong naghahampas-dugo. Nakakatakot tingnan pero nakapagtataka. Bakit kaya hindi sila nasasaktan? At iyong iba ay may binubuhat na krus. Kawawa naman sila. Hinihila pa ng kanilang mga kasamahan,’’ ang dagdag naman ni Lita. 

‘’Doon sa kanila talagang mahaba ang prusisyon, ano, kuya Totoy?’’ ang sabad ni Bebot. 

‘’Hindi pa kayo nakapapanood ng senakulo, ano? Mula sa Lunes Santo, ipinapalabas sa tanghalan ang buhay ni Jesus – mula sa pagkabata hanggang sa Siya ay mamatay at muling mabuhay. Pagpunta natin sa Batangas, yayayain natin manood si Tatay. Marami kayong matutunan tungkol sa Mahal na Araw,’’ ang sabi ni Nanay.