MAGSAYA TAYO


“Yipee! Mamasyal na naman tayo. Tatay, pumunta na naman tayo sa ibang lugar. Magpiknik tayo sa bukid,” masayang sabi ni Arnel sa ama. 

‘’Mabuti nga at nang makasagap naman tayo ng sariwang hangin,’’ tugon ni Nanay. 

‘’At nang makita rin natin na ang bawa’t pamayanan ay may sariling kapaligiran. Sige, magsipaghanda kayo. Magpapasyal tayo,’’ sabi ni Tatay. 

‘’Kung magmamasid kayong mabuti, makikita ninyo ang mahahalagang lugar sa pamayanang pupuntahan natin. Maituturo ninyo ang mga likas na kayamanan sa paligid. Masasabi ninyo kung magkatulad ang kapaligiran sa pamayanan at sa lugar natin sa Norway,’’ dugtong pang sabi ni Tatay. 

Inihinto ng tatay ang kanilang sasakyan sa tabing ilog. ‘’Iyan ang ilog na nakita ko kanina,’’ sabi agad ni Kuya. ‘’Itanong mo naman doon sa aleng naglalaba, Ate, kung saan nagmumula ang ilog na iyan,’’ pakiusap ni Arnel. 

‘’Magandang tanghali po. Ako po si Lita. Maaari po ba akong magtanong? Saan po ba nagmula ang ilog na ito?’’ tanong ni Ate. 

‘’Nagmumula sa talon ang batis na ito. Nakikita mo ba ang talon na iyan?’’ sagot ng ale habang itinuturo ang talon. 

 ‘’Iyan ang talon ng San Mateo. Ang tubig na nanggaling diyan ay pupunta sa Batis ng San Mateo,’’ sabi pa ng ale. ‘’Hindi po ba ilog ang tawag dito?’’ tanong ng ate. ‘’Hindi nga, iha. Batis ang tawag sa maliit na ilog. Ito ang Batis ng San Mateo,’’ sagot ni Aleng Nena. ‘’Ang dami mong natutuhan, ano, Ate,’’ sabi ni Arnel. ‘’Aba, oo,’’ tuwang sabi ng ate. ‘’E, bakit talon ang tawag? Marunong bang lumundag ang tubig?’’ dagdag na tanong ni Arnel. ‘’Sa wikang Ingles, waterfalls ang katumbas ng salitang talon,’’ wika ni Tatay. ‘’Tingnan mo iyan, Arnel, ang tubig na tumatalon pa lang sa atin ay nahuhulog na para sa mga Amerikano,’’ biro na sabi ni Kuya. Anong lakas ng tawanan ng mag-anak! Kay saya nila. ‘’Mabuti natutuhan ninyo ang iba’t ibang pangalan ng mga anyo ng tubig,’’ wika ng nanay. ‘’Sige, Nanay, Magpaligsahan tayo,’’ sabi ng kuya. ‘’Ano ang tawag sa tubig na nanggagaling sa mataas na lugar?’’ unang tanong ni Nanay. Ibinulong ni Ate ang sagot niya kay nanay. ‘’Tama ang sagot mo, Lita. O, ibang tanong naman. Ano ang pangalan ng tubig na dinaraanan ng malaking bapor?’’ ‘’Ito ang sagot diyan, Nanay,’’ sabi ni Kuya habang iginuguhit niya sa hangin ang baybay ng salita para sa sagot niya. ‘’Tatay, turuan mo naman ako ng sagot,’’ wika ni Arnel. ‘’Halika at ibubulong ko kaagad sa iyo ang sagot sa itatanong ni Nanay. Biglang sumigaw si Arnel. ‘’Sapa!’’ ‘’Paano nangyari iyon, Arnel? May sagot ka na, e, wala pang tanong si Nanay,’’ ang sabi ni Kuya. Patuloy ang pagmamaneho ni Tatay. Napansin ng mga bata na bihira na lang ang mga bahay na nadadaanan nila. ‘’Kaunti lamang ang mga bahay sa lugar na ating naraanan,’’ nasabi ni Ate. ‘’Oo nga, napansin mo rin pala,’’ tugon ni Kuya. ‘’Mabuti at sa Norway doon tayo nakatira sa lungsod. Maraming bahay doon at saka marami pang tindahan,’’ masayang sabi ni Ate. ‘’Masyado naman dikit-dikit ang mga bahay at gusali sa lungsod. Hindi ka halos makahinga. Masyadong masikip,’’ sabi ni Tatay. ‘’Ngayong nakita na natin ang paligid, saan mo gustong tumira, Arnel?’’ tanong ni Nanay. ‘’Iba ang tanawin sa lungsod. Iba rin sa nayon. Pareho ko silang gusto. Basta kung saan kayo, naroon din ako,’’ ang sagot ni Arnel. Ang bawa’t pamayanan ay may sariling kapaligiran. Mas maraming tao sa lungsod kaysa bukid. Mas maraming bahay sa lungsod kaysa bukid. Mas maraming halaman sa bukid. Mas sariwa ang hangin sa bukid kaysa lungsod.