Mahalaga ang magkaroon ng mga kaibigan at si Arnel ay hindi iba sa mga kabataan ngayon.
Marami siyang kaibigan sa eskuwela at ganoon din sa lugar nila.
Kalaro rin niya ang mga batang kapitbahay na sina Ingvar at Michael.
Matalik silang magkakaibigan. May kasabihan ang tatlong bata: ‘’kalusugan, kalinisan at kapayapaan ang ating gabay.’’
Pagkatapos ng kanilang klase madalas silang nagkikita sa palaruan na malapit sa bahay nila.
Doon naglalaro sila ng putbol. Ito ang gustong-gusto nilang laro.
Nguni’t kung taglamig na at marami ng yelo nagpupunta sila sa medyo mataas na burol para magpadulas.
Naglalaro sila doon hanggang tawagin sila ng kanilang mga magulang para maghapunan.
Kung masama ang panahon nagdadalawan lamang sila sa isa’t isa sa kanilang mga bahay.
Dito naglalaro naman sila ng Nintendo o kaya’y ibang palaro sa telebisyon.
Kung minsan sila ay nagkukuwentuhan lang, nagkakatuwaan at nagkakainan ng mga sitseria.
Maganda ang samahan ng magkakaibigan at tuwang-tuwa sila sa isa’t isa.