ANG BATANG LALAKI SA PULANG LANGIT

 

(Ikalawang aklat sa p.32-37)

Noong unang panahon ay may isang babaeng madalas nagpapalipas ng panahon sa dalampasigan habang ang kanyang asawa ay nangingisda sa dagat.

Malungkot at nag-iisang nakaupo ang babae sa tabing dagat. Naisipan niyang kausapin ang mga isda at mga ibong nagdaraaan. Nakipag-usap naman sila sa kanya nguni’t iisa ang kanilang sinabi.

“Tingnan mo ang malaking kabibe. Doon ay may makikita ka.”

Sinunod ito ng babae. Laking pagkamangha ang nadama niya nang marinig ang pag-iyak ng isang  sanggol at nang tingnan niya ang loob ng kabibe ay isang sanggol na lalaki ang kanyang nakita.

Inuwi niya ang sanggol at tinuring itong tunay na anak. Inalagaan niya hanggang ito’y lumaki.

Isang araw hiniling ng anak na igawa siya ng pana. Sumang-ayon naman ang ina.

Ginamit ng bata ang pana sa pangingisda at pangangaso. Lahat ng kanyang nahuhuling isda at hayop ay ibinibigay niya sa ina.

Minsan nang dumating ang anak galing sa pangingisda nakita ng ina na namumula ang mukha nito at ang kanyang ulo ay maliwanag parang araw.

Maganda o masama man ang panahon ay nangingisda pa rin ang mag-ama. Sinabi ng bata sa ama na siya ay mas malakas kaysa ispirito ng bagyo, ispirito ng maitim na ulap, at ispirito ng tubig sa karagatan. Sinabi rin ng bata na hindi pa napapanahong sabihin sa kanila ang tunay niyang pagkatao.

Pagkaraan ng ilang buwan ay kinausap ng bata ang itinuturing na magulang.

“Aalis na po ako. Iiwan ko na kayo. Ako po ay anak ni Araw. Hindi na ninyo ako makikita pang muli. Mag-iiwan ako ng palatandaan. Kung takipsilim na at makikita ninyo na pula ang langit at kung ang repleksyon ng dagat ay pula rin ay nasa pulang ulap ako. Ang ibig sabihin nito ay maganda ang panahon kinabukasan. Paalam na po. Maraming salamat sa inyo.’’

‘’Nalulungkot ako sa pag-alis niya,’’ ang wika ng ama. ‘’Alam mo bang tinuruan niya ako ng isang awitin. Kapag inaawit ko ito habang ako’y nangingisda ay siguradong maraming isda ang mahuhuli ko.’’

‘’Ako naman ay binigyan niya ng balabal na paliligo. Kapag niluluwagan ko ang pagsusuot nito ay magkakaroon ng bagyo,’’ sinabi naman ng ina.

Mula noon, tuwing makikita ng mga tao na mapula ang langit kung lumulubog ang araw ay alam na nilang maganda ang panahon kinabukasan.